Si Darangan

Ang Darangan ng mga Muslim ay mga salaysay na patula hinggil sa kabayanihan ng mga nasa Magindanaw, mga gawaing kahanga-hanga at di sukat mapaniwalang kabayanihan at kagitingan ng mga mandirigmang Muslim. Ang Darangan ay hindi iisang epiko – marami – ngunit tatatlo lamang ang napasalin pa sa Ingles at ito’y utang sa pagsasaliksik ni G. Frank Lauback. Ang mga Darangan ay nasusulat sa wikang Maranaw. Ang lalong popular sa lahat ay ang Bantugan, na paulit-ulit na binibigkas sa dating pagkakakatha sa palibot ng Lawa ng Lanaw. May ilang mga Muslim ngayon na nakapag-uulit sa kabuuan ng Bantugan.

Buod ng Darangan

Mayroong isang hari sa isang malayong kaharian sa Mindanao ang may dalawang anak na lalaki. Ang nakatatanda ay si Prinsipe Madali at ang nakababata ay si Prinsipe Bantugan. Sa murang edad ay nagpakita si Prinsipe Bantugan ng magagandang katangian na higit sa kanyang nakatatandang kapatid na si Prinsipe Madali. Laging sinasabi ng kanilang guro sa kanilang ama na si Prinsipe Bantugan ay napakatalino. Mabilis siyang matuto, kahit sa paggamit ng espada at palaso. Taglay niya ang lakas na kayang makipaglaban sa tatlo o limang tao sa mano-manong labanan.

Ang unang tanda na siya ay magiging isang magaling na sundalo ay nang makita siya nang mapatay niyang mag-isa ang isang malaking buwaya na nakapatay sa ilang taong-bayan. Hindi makapaniwala ang mga taong-bayan sa kanilang nakita pagkatapos ng pagtutuos.

“Napakalakas niya!” ang sabi ng isang matandang lalaki nang makita ang patay na buwaya.

“Paano nakaya ng isang tao na ganito kabata na patayin ang buwaya? Sinasapian siguro siya ng mga diyos!” sabi naman ng isa.

“Halika, pasalamatan natin ang prinsipe sa pagpatay niya sa halimaw!” sabi ng pinuno ng bayan.

Nang umabot na si Prinsipe Bantugan sa kanyang kabinataan, siya ay naging pinakamagaling na sundalo sa kaharian. Lagi niyang pinamumunuan ang mga sundalo sa labanan. At lagi silang nagwawagi laban sa mga kalabang kaharian. Ang kanyang pangalan ay naging bukambibig ng lahat ng mga sundalo ng mga kalapit na kaharian. Hindi nagtagal ay wala nang kaharian na nangahas kumalaban sa kanila. Kapayapaan at pag-unlad ang naghari sa kaharian dahil natamo nilang respeto at pagkilala ng mga kalapit kaharian.

Nang mamatay ang kanilang ama, ang kaniyang nakatatandang kapatid na si Prinsipe Madali ang hinirang na bagong hari. Nagkaroon ng protesta ang mga nasa ranggo. Nais nila na si Prinsipe Bantugan ang maging bagong hari. Kahit ang mga ordinaryong mamamayan ay nagsasabi na si Prinsipe Bantugan ang mas karapat-dapat maging hari sa dalawang prinsipe.

“Si Prinsipe Bantugan ay matapang at malakas, kaya niya tayong protektahan laban sa mga kaaway!” sabi ng isang matanda sa pamilihan.

“Sang-ayon ako sa iyo”, sagot ng matandang lalaki.

Hindi ito pinansin ni Prinsipe Bantugan. Alam niya na ang kanyang kapatid ang karapatdapat na tagapagmana ng trono dahil si Prinsipe Madali ang panganay sa kanilang dalawa. Siya mismo ang nagpatunay para sa kanyang kapatid.

“Nararapat lamang na ang kapatid ko ang maging bagong hari dahil napag-aralan na niya kung paano magpatakbo ng gobyerno”, sinabi niya sa kapwa niya sundalo at mga ministro sa kaharian. “Alam niya kung paano ang pamamalakad sa ugnayang panlabas. At marami siyang magandang ideya upang mapaganda ang buhay ng bawat mamamayan!”

Tumango na lamang ang mga ministro at mga kawal. Ngunit nagkaroon ng isang bitak sa pagitan ni Prinsipe Bantugan at Prinsipe Madali. Sapagkat si Prinsipe Bantugan ay hindi lamang matapang at malakas, siya rin ay napakakisig. Maraming magagandang babae sa kaharian ang nahuhumaling sa kanya. Kahit ang mga babaeng gusto ng kanyang kapatid na si Prinsipe Madali ay sumuko sa kanyang gayuma. Dahil sa galit at inggit, nagpahayag ang hari ng kautusan.

“Hindi ko gusto na kahit sino, kahit sino, ang makikipag-usap sa aking kapatid na si Prinsipe Bantugan. Sino man ang makita na nakikipag-usap sa kanya ay ipapakulong o kaya ay parurusahan ng malubha.”

Nalungkot si Prinsipe Bantugan sa iniutos ng kanyang kapatid. Nakita niya ang sarili na parang mayroong nakakahawang sakit. Lahat ay lumalayo sa kanya, kahit ang mga kababaihan. Kahit ang mga taong kanyang minahal. Walang gustong kumausap sa kanya sa takot na baka makulong maparusahan ng hari. Dahil hindi na niya matagalan ang mga ito, nagpasiya ang prinsipe na lisanin ang kaharian at manirahan sa malayong lugar kung saan siya nanirahan habambuhay.

Leave a Reply

Take stories with you.

Mga Kwentong Bayan
Mga Kwentong Bayan