Duwende o Nuno sa Punso

Mga karaniwang katawagan sa mga maliit na nilalang na hindi nakikita ng mga karaniwang tao. Ang mga ito ay naninirahan sa gubat, puno, punso, o mga luma at malalaking tirahan na matatagpuan sa mga probinsya.

Ang dwende ay nagpapakita sa mga iilang tao lang, kapag ikaw ay kanilang nagustuhan. Katulad ng dwende na naninirahan sa bahay, ayon sa mga nakakakita, sila ay nakikipaglaro. Dinadala ng dwende ang taong kanyang kinaibigan sa lugar nila. Sa mga karaniwang kwento na nagpasalin-salin sa bawat henerasyon, ang kanilang lugar ay isang paraiso na di inaakala ng tao na may ganito. Puno ng ginto ang kanilang kaharian. Sila ay mahilig mag kolekta ng mga iba’t ibang bagay. May kasabihan ang matatanda na kapag may nawala na bagay sa iyong bahay ito ay kinuha ng dwende, na kahit hanapin mo ay hindi makikita, at kapag napag pasyahan mong huminto sa paghahanap saka ito lalabas sa isang lugar na parang walang nagyari.

May mga dwende din na nagkakagusto sa tao. Karaniwan ay sa mga babae. Ito ay kanilang inaangkin ng hindi namamalayan. Dwende na laging bumibisita, at minsan, ay hindi pinapakain, hanggang sa bumagsak ang katawan at unti-unting namamatay.

May mga dwendeng sadyang mapaglaro, ito ay nakatira sa gubat, na kung minsan na may napadaan, sadya nila itong ililigaw sa gubat. Inililipad sa himpapawid. At ibabalik kung kelan nila gustuhin.

Sa mga gubat kapag ikaw ay may nakita, ayon sa kasabihan ng matatanda ay kailangang mag paalam kung dadaan o “tabi-tabi po’’ ay kailangang banggitin, para hindi sila maistorbo at magalit. Kapag sila ay nasaktan , ito din ang kanyang ipaparamdam sa taong nanakit sa kanya. Katulad halimbawa kung sila ay iyong napilayan sa paa, ganun din ang mangyayari sa ‘yo. Kung sila ay tinamaan mo ng bato sa mukha, ikaw din ay magkakaroon ng mga pasa sa iyong mukha. Ibabalik nila at ipaparamdam sayo kung ano ang ginawa mo sa kanila.

Mahilig din silang makipaglaro at magpakita sa mga bata. Kung minsan ay nakikita natin na mag isang nagsasalita, ito ay sinasabing may kausap na dwende.

May masasamang dwende at meron ding mabubuti. Ang mga pinaniniwalaang masamang dwende na nakatira sa bahay ay pinapaalis sa pamamagitan ng ritwal na ginagawa ng isang albularyo. At ang mabuting dwende na nananahan sa bahay ay kanilang hinahayaan na lang.

Bukod sa Dwendeng itim at puti, meron pang ibang uri ang mga dwende. Ayon sa aking nakapanayam kung saan sya ay may third eye at sinabi nya sa akin na sya ay nakakita na ng dwende.

Ayon sa kanya, ang itim na dwende ang mabait kabaliktaran ng sinasabi ng ibang tao. Ang pulang dwende ang pinakamasama sa lahat ng uri, dwendeng puti naman ang mapaglaro at tuso. At ang isa pang kulay ng dwende ay berde. Kung saan ito ay mahilig makipag laro sa mga bata ngunit mailap at medyo mahiyain. Kailangang suyuin.

Dwendeng Itim

Sinasabing ang dwendng itim ang pinakamasama sa lahat. Ang hitsura nito ay marungis, masama nag ugali at madalas pinag lalaruan ang mga taong kanyang matipuhan. Ngunit taliwas ito sa pahayag ng isa pang aking nakapanayam. Base sa kanyang kwento ang itim na dwende ay mapaglaro at swerte. Kapag daw ikaw ay nakakita ng itim na dwende, ito ay nakapagbibigay ng swerte sa iyong buhay, ngunit wag lang silang gagambalain.

Dwendeng Puti

Ang dwendeng puti ay tahimik, kapag sya ay nagpakita, huwag kausapin dahil kapag nakuha nya ang iyong atensyon, ikaw ay paglalaruan nito. Ngunit ito ay mapaglaro lalo na sa mga bata. Kailangang mahinahon sa pakikipag usap sa kanya. Ito daw ay may kaalaman sa panggagamot sa mga nabarang.

Dwendeng Pula

Ang pulang dwende naman ayon sa kanya ay ang pinakamatapang. Sila ay nakakatakot, at kapag nagpakita sayo ay maaaring may mangyaring masama sa iyo o ibang miyembro ng pamilya. Huwag makipagkasundo sa dwendeng pula sapagkat ito daw ay tuso. Maaaring kapag ikaw ay nakipagsundo ay hindi nya tuparin ang inyong usapan. Hanggat maaari ito ay iwasan.

Dwendeng Berde

Mapaglaro lalo na sa mga bata. Sinasabing ito ay swerte sa sugal. Ngunit huwag magtiwala dahil kung minsan ito ay pihikan. Ito ay mailap kapag tinawag upang kausapin, kaya kailangang suyuin. Gumamit ng bata kung ito ay tatawagin o kakausapin.

Marami man ang uri ang mga dwende base sa kanilang kulay at ugali, ang sabi ng matatanda at naniniwala sa kanila, ang mahalaga ay ang pagbibigay ng respeto sa kanila upang hindi maparusahan o paglaruan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Take stories with you.

Mga Kwentong Bayan
Mga Kwentong Bayan