Mga Kwentong Bayan

Ang Alamat Kung Bakit Nasa Labas ang Buto ng Kasoy

Nagkaroon minsan ng kasayahan sa kagubatan. Lahat ng mga hayop, mga ibon man at kulisap ay nagkatipon-tipon. Kay saya ng lahat!

Sa di kalayuan ay nagtataka ang puno ng kasoy. “Ano ba ang pinagkakaguluhan nila? Kay ingay,” sabi ng buto sa loob ng prutas.

“Kung makalalabas sana ako sa madilim na lugar na ito, para makita ko.”

Sa sandaling iyon, may isang engkantada na dumaraan. Naawa siya. Banayad niyang kinapa ang bunga, pinisil, at pinalabas ang buto.

“Naku, ang ganda pala dito sa labas,” gulat na gulat na wika ng buto.

“Dito na lamang sana ako lagi. Huwag na po ninyo akong ibalik sa loob ng prutas.”

Pinagbigyan ang kanyang kahilingan. Maligayang-maligaya, pinakaganda-ganda pa ang pag-upo sa prutas na kasoy.

“Kitang-kita ko ngayon ang bughaw na langit, ang sari-saring ibon at paruparong kay gaganda ng kulay, ang mga punong kahoy at bulaklak.”

Natapos ang kasayahan ng mga hayop na kanyang pinapanood at pinapakinggan. Nagsiuwi na ang mga dumalo. Mayamaya ay nagdilim ang kalangitan. Umihip ang malakas na hangin. Bumagsak ang ulan. Isang nakabibinging kulog ang narinig kasabay ang matalim na kidlat.

Natakot ang buto.

“Maawaing Engkantada, ayaw ko na po dito sa labas! Ibalik na ninyo ako sa loob!”

Ngunit wala na ang engkantada at hindi na siya narinig.

“Tunay nga palang walang lubos na kaligayahan ang dito’y mararamdaman,” taghoy ng kasoy.

“Kapag may saya ay may dusa ring daratal.”

Kaya hanggang ngayon ang buto ng kasoy ay nasa labas ng bunga, parang prinsesa na nakaupo sa tasa.

Leave a Reply

Take stories with you.

Mga Kwentong Bayan
Mga Kwentong Bayan