Ang Alamat ng Ilang Ilang

Sa bayan ng Tayabas ang pinakamagandang dalaga ay nagngangalang Ilang. Maraming mayayamang binata ang nanliligaw sa kanya. Ngunit ang kaniyang nagugustuhan ay si Edo. Isang mahirap na magsasaka.

Nagalit ang magulang ni Ilang. Ang gusto nilang mapangasawa ni Ilang ay isang mayamang lalaki. Pinagbawalan nila si Ilang na makipagkitang muli kay Edo. Ngunit lihim pa rin nagtatagpo sina Edo at Ilang. Nagkikita sila sa tabing ilog sa tuwing naglalaba ng mga damit si Ilang. At laging nagsusumpaan na magmamahalan habang buhay kahit ano pa ang mangyari.

Lahat ng mayayamang manliligaw ay hindi pinapansin ni Ilang kung kaya’t naghihinagpis ang kaniyang mga magulang. Minsan ay sinubukan siya ng kanyang ama at nahuli niya itong nakikipagkita kay Edo sa tabing ilog. Iyon na ang huling pagkikita nina Ilang at Edo. Simula noon ay hindi na nila pinalabas ng bahay si Ilang. Binabantayan upang hindi na makipagkita kay Edo.

Nalungkot nang labis si Ilang. Hindi na din siya lumalabas sa kanyang silid, hindi na kumakain at hindi na rin nakikipag-usap kahit kanino. Unti-unting nanghina si Ilang hanggang magkasakit at tuluyang namatay. Bago namatay ay hiniling ni Ilang na doon siya ilibing sa tabing ilog, ang lugar na pinagtatagpuan nila ni Edo.

Labis din ang lungkot ni Edo. Hindi na siya nag-asawa at sa araw-araw ay binabantayan niya ang libingan ni Ilang. Isang araw ay may tumubong isang puno sa puntod ni Ilang. Inalagaan ito ni Edo hanggang sa mamulaklak. Naakit ang lahat sa halimuyak ng bango ng mga bulaklak ng puno. Simula noon ay lagi na lamang umiiyak si Edo habang nakabantay sa puno at sinasambit ang pangalang… Ilang, Ilang, Ilang. Simula noon tinawag ang bulaklak na Ilang Ilang.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Take stories with you.

Mga Kwentong Bayan
Mga Kwentong Bayan