Maraming taon na ang nakaraan, may isang munting baranggay sa paanan ng isang bundok.
Isang maliit na kubo ang nakatayo sa itaas ng baranggay, sa tagiliran mismo ng bundok na balot ng makapal na gubat. Duon nakatira ang isang matandang babae at ang kanyang apo, isang binatilyo.
Masipag ang lola. Hanap-buhay niya ang himayin ang mga buto mula sa bulak at gawing sinulid ang bulak. Laging may buslo ng bulak sa tabi ang lola, at isang mahabang patpat na kidkiran (huso, spindle) ng sinulid.
Samang-palad, tamad ang binatilyong apo, ayaw tumulong sa lola at, araw-araw, bumababa sa baranggay upang makipag-barkada at magsugal. Isang araw, umuwing mainit ang ulo ng binatilyong apo dahil natalo sa sugal.
Nagsisigaw siya nang makitang wala pang hapunan.
“Maghintay ka nang kaunti,” sagot ng lola habang abalang nagta-trabaho, “at minamadali kong himayin itong bulak. Pagkatapos kong ipagbili ito, bibili ako ng pagkain natin.”
Lalong nagalit ang binatilyong apo. Pumulot siya ng mga bao ng niyog, gamit na panggatong sa apoy, at hinagis sa lola. Nasaktan, nagalit din ang lola at gumanti. Hinampas niya ng hinampas ng kidkiran ang binatilyong apo.
Kagila-gilalas! Biglang nagbago ang anyo ng apo – isang pangit na hayop na balot ng bulak na naging balahibo, at kumabit ang kidkiran sa kanyang tumbong at naging buntot.
Nang matuklasan ng binatilyong apo na siya ay isang pangit na hayop na, kumarimot siya patakas sa baranggay.
Hinanap niya lahat ng kabarkada niya sa sugal at sinisi sa nangyari sa kanya. Pinaghahataw niya ng kanyang buntot at isa-isang nagbago rin ang mga ito at naging hayop tulad niya – ang tinatawag ngayong matsing o tsonggo (mono, monkey).
Nang makita ng mga taga-baranggay ang mga pangit, maingay at magulong mga hayop, itinaboy nila ang mga ito at hindi na pinayagang pumasok uli sa baranggay.
Mula nuon, sa gubat namuhay ang mga matsing.
Leave a Reply