Ang Alamat ng Pechay

Sa isang nayon sa Bungahan ay may mag-anak na naninirahan na ubod ng ingay.Maraming mga puno at halaman sa lugar na iyon.

Madalas na inuutusan ng nanay ang kanyang mga anak na sina Fe at Chai na mamitas ng mga bunga ng puno at halaman.Pilyo ang magkapatid kaya madalas mapagalitan at nasisigawan ng kanilang ina.

Isang araw inutusan sila ng kanilang ina na manguha ng mga bunga sa kakahuyan.Masayang-masaya at patakbo-takbo sina Fe at Chai papuntang kakahuyan ngunit sa halip na manguha ng bunga ay panay laro lamang ang ginawa.Namahinga sila sandali sa maliit na kubo.Matapos mamahinga ay naghabulan ulit ang dalawa, nakakita sila ng maliit na kweba.

Pumasok sila upang maglaro.Sa kasamaang palad hindi na nakalabas ang dalawang bata.Labis na nag-alala ang kanilang ama at ina dahil madilim na ay wala pa ang kanilang mga anak.

“Tay, gabi na ay wala pa sina Fe at Chai nasaan na kaya sila? ” Wika ng ina.

“Baka naman pauwi na sila, alam mo naman ang mga iyon kapag inutusan mo ay may kasamang laro kaya matagal.” Wika naman ng ama.

Naidlip na ang mag-asawa ngunit paggising nila ay wala pa rin ang magkapatid.

“Tay, bukas na bukas pagbukang-liwayway ay hanapin mo sila sa kakahuyan.” Ang nag-aalalang tinig ng ina.

“Oo sige mabuti pa maghapunan na tayo at baka nakatulog na sina Fe at Chai roon sa ating kubo sa kakahuyan.” Wika ng ama.

Kinaumagahan ay hinanap ng kanilang ama ang magkapatid habang abala naman ang ina sa pagdidilig ng mga tanim na gulay.

“Nalibot ko na ang buong kakahuyan at kubo natin pero wala roon sina Fe at Chai.” Ang malungkot na wika ng ama.

Napaiyak na lamang ang mag-asawa sa pagkawala ng kanilang mga anak.

Lumipas ang maraming araw ngunit tahimik sapagkat walang pinagagalitan o sinisigawan ang mag-asawa.Bakas ang lungkot sa mukha ng mag-asawa at pagkasabik sa mga anak.Habang nagdidilig ng mga tanim na gulay may napansin ang ina na kakaibang gulay na tumubo sa kanilang taniman.Animo’y mga batang paslit ng biglang lumilitaw.

“Tay, tingnan mo may mga kakaibang gulay dito sa ating taniman.” Nagmamadaling wika ng ina.

“Oo nga biglang dumami at nagsulputan ang mga iyan, naalala ko sina Fe at Chai na bigla na lamang sumusulpot.” Wika ng ama.

“Ano kaya ang tawag sa gulay na ito? ” Tanong ng ina.

“Tawagin natin itong PETSAY bilang alaala sa ating mga anak na sina Fe at Chai.” ang naiiyak na tinig ng ama.

Related Posts

Comments

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ang Alamat ng Pechay